PAG-ASA, PANANAMPALATAYA, AT PAG-IBIG
A Testimony of God’s Grace and Transformation
Magandang gabi po sa ating lahat.
Ako si Charlene Mae Barajas-Mazo, at ito ang aking testimony—isang kwento ng pag-asa, pananampalataya, at pagbabago sa pamamagitan ng Panginoon.
Noong February 2, 2025, tinanggap ko ang Panginoong Jesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Ginamit po ng Panginoon si Sister Mhira upang maibahagi sa akin ang tungkol sa salvation through One-Verse Evangelism (OVE).
Noong mga panahong iyon, nasa point ako ng buhay ko na lugmok, pinanghihinaan, at nawawalan na ng gana sa buhay. Sabay-sabay ang mga problema—financially, sa relationship namin ng aking asawa, sa family ko na nasa probinsya, at sa napakaraming responsibilities sa trabaho at pag-aaral.
Dumating ako sa point na gusto ko nang sumuko. Pakiramdam ko, wala na akong silbi at sobrang pagod na pagod na ako sa lahat.
Alam ito ng aking katrabaho, kaibigan, at ngayon ay Connect Group Leader na si Ma’am Marits. Siya ang madalas kong takbuhan kapag may mabigat akong pinagdadaanan. Siya rin ang nagyaya sa akin na sumama sa CCM para magsimba at kahit paano ay malinawan ang isip ko sa mga bagay na gumugulo sa akin.
Kaya masasabi kong isa si Ma’am Marits sa mga ginamit ng Panginoon upang mas makilala ko Siya bilang aking Tagapagligtas at Tagatugon sa lahat ng aking pangangailangan.
NANG MAKILALA KO SI LORD
Mula noong unang tumapak ako sa CCM, iba ang naging pakiramdam ko.
Parang may yumakap sa akin.
Naramdaman ko ang comfort na matagal ko nang kailangan at ang presensya ni Lord. Kaya habang sumasabay ako sa worship, inilabas ko lahat ng bigat na matagal kong dala. Iniiyak ko ang lahat at isinuko ko sa Panginoon ang aking mga alalahanin, problema, at mga hirap na nararamdaman ko.
Makalipas ang ilang linggo ng pagsisimba, nagkaroon ako ng pag-asa.
Nagbago ang direction at takbo ng aking pag-iisip. Mas naramdaman ko ang presensya ng Panginoon sa buhay ko.
Tinuruan ako ng Diyos kung paano magpatawad at kung paano maniwala na ang mga pinagdadaanan ko ay hindi katapusan ng lahat. Sa pagdaan ng mga araw, lalo kong naramdaman ang presensya at paggabay Niya.
Doon ko napagtanto:
Iba pala talaga kapag si Lord na ang kumikilos sa buhay mo.
Nagkaroon ako ng ibang perspective sa buhay. Natutuhan kong lumapit at kumapit sa Kanya lalo na sa mga panahong nahihirapan at naguguluhan ako.
Sadyang napakabuti ng Panginoon. Hindi Niya hinayaang makulong ako sa buhay na puno ng pag-aalala at pangamba.
ANG DASAL KO PARA SA AMING MAG-ASAWA
Habang lumilipas ang mga buwan, isa rin sa mga ipinagpe-pray ko kay Lord ay sana dumating ang araw na makasama ko ang aking asawa sa church.
Ipinagdarasal ko na sana ay hipuin din siya ni Lord at alisin ang mga bagay na naging dahilan ng madalas naming pag-aaway—tulad ng sigarilyo, alak, barkada, at mobile games.
Mas marami kasi siyang oras sa barkada at paglalaro, at dumating ako sa point na hindi ko na maramdaman ang halaga ko sa buhay niya.
Sampung taon na kaming kasal, at paulit-ulit na itong naging dahilan ng aming mga pagtatalo.
Hanggang sa dumating ang araw na napuno na ako.
Gusto ko nang umalis at iwan siya.
Napagod na akong umunawa sa mga pagkakamaling paulit-ulit niyang ginagawa. Umabot pa ako sa punto na nagpaalam na ako sa kanya at sa kanyang mga magulang na aalis na ako at gusto ko nang mamuhay mag-isa.
Iniisip ko noon na baka iyon na ang tanging paraan para maayos niya ang kanyang buhay at mapagtanto niya ang halaga ko.
Pero may pumipigil sa akin.
Naniniwala akong ang Holy Spirit ang kumikilos sa puso ko at hindi ako hinayaang gawin ang bagay na iyon.
Dumating ang panahon na nakiusap siya sa akin na bigyan siya ng isa pang pagkakataon.
At pagkatapos, lumabas sa bibig niya ang mga salitang hindi ko inaasahan:
“Bha, isama mo ako sa church na pinupuntahan mo. Baka sakaling mabago din ako. Nakita ko kasi na malaki ang naitulong sa’yo simula nung doon ka nagsisimba.”
Pagkarinig ko sa sinabi niya, bigla akong kumalma.
Nagkaroon ulit ako ng pag-asa.
Napaisip ako at sinabi ko sa sarili ko:
“Baka sakaling magbago pa siya kapag nakilala niya si Lord.”
ANG DASAL NA SINAGOT NI LORD
Sunday, May 25, 2025.
Sumama na siya sa akin sa church.
Maaga kaming umalis ng bahay. Ipinakilala ko siya kay Pastor Wes, at agad naman siyang kinausap ni Pastor at ibinahagi sa kanya ang Gospel through OVE.
Hindi ko maipaliwanag ang galak na naramdaman ko.
Tinupad agad ni Lord ang isa sa mga matagal kong ipinagpe-pray.
At ginamit Niya si Pastor Wes bilang instrumento.
Si Pastor Wes ang naging Connect Group Leader ng aking asawa at tumulong at gumabay sa kanya upang mas makilala si Lord at mabago ang kanyang pananaw sa buhay.
Sa weekly meetings nila ni Pastor at sa patuloy niyang pag-attend sa Sunday services, napansin kong marami siyang natututunan.
At unti-unti, nakita ko rin ang pagbabago.
Nagbago ang kanyang kilos.
Nagbago ang paraan ng kanyang pag-iisip.
Nagbago ang paraan ng kanyang pagsasalita.
ISANG BUHAY NA BINAGO NI LORD
Simula noong July 26, 2025, nang publicly naming i-declare na si Jesus ang aming Lord and Savior, mas lalo kong nakita ang pagbabago sa kanya.
Unti-unti niyang tinalikuran ang kanyang mga bisyo.
Hindi na siya nagsisigarilyo.
Naiwasan na rin niya ang pag-iinom at mga barkada na hindi nakakatulong sa kanyang buhay.
Hindi na siya madaling magalit.
Humaba ang kanyang pasensya.
At higit sa lahat, nagkaroon na siya ng oras na makasabay ko sa pagbabasa ng Bible at pagde-devotion tuwing gabi bago kami matulog.
Consistent na namin itong ginagawa.
At nakita namin ang malaking pagbabago sa takbo ng aming buhay bilang mag-asawa.
Kung dati, mabilis kaming mabahala at maapektuhan ng mga problema, ngayon ay dinadala na namin ito sa prayer at nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi naman ibig sabihin na wala na kaming problema.
May mga problema pa rin.
Pero ngayon, iba na ang puso namin habang hinaharap ang mga ito.
Panatag kami dahil alam naming si Lord ang gumagabay sa amin sa bawat pagsubok.
WALANG IMPOSIBLE SA PANGINOON
Ang aming kwento ay isang patunay na walang imposible sa Panginoon.
Kaya Niyang baguhin ang isang tao.
Kaya Niyang ayusin ang isang relasyon.
Kaya Niyang ibalik ang pag-asa.
At kaya Niyang gawin ang mga bagay na akala natin ay imposible nang mangyari.
Ngayon, narito kaming mag-asawa—patuloy na lumalago, patuloy na nagiging matatag, at patuloy na humahawak sa mga pangako at Salita ng Diyos.
Naniniwala kami na lahat ay magagawa, makakaya, at mapagtatagumpayan kapag ang ating pananampalataya ay nakalagay sa Panginoon.
Nagpapasalamat kami sa patuloy na pagmamahal, pag-iingat, at provision ng Panginoon sa aming buhay at sa aming pamilya.
Dalangin namin na lalo pang lumalim ang aming relationship at pagtitiwala sa Diyos bilang mag-asawa at bilang isang pamilya.
Ang lahat ng papuri, pasasalamat, at kaluwalhatian ay para sa Panginoon lamang.
Sa Diyos ang lahat ng papuri at pasasalamat.
— Charlene Mae Barajas-Mazo