MULA SA MAGULONG BUHAY TUNGO SA PAMILYANG BINAGO NG DIYOS
Good morning po sa inyong lahat!
Ako po si Sis. Claudine Aniceta, maybahay ni Bro. Ronald Aniceta. Ang Connect Group Leader ko po ay si Sis. Weng Ferrer.
Na-invite po ako dito sa Christ-Centered Ministries, at dito ko tinanggap si Jesus Christ bilang Lord and Savior ko noong February 2, 2019. Si Sis. Daisy po ang nag-One-Verse Evangelism (OVE) sa akin.
Bago ako naging Christian, magulo ang buhay ko, at damay pati ang pamilya ko.
Una, noon, sinasabi ko sa kinakasama ko na ayaw kong magpakasal. Dahil doon, syempre, nagkaroon siya ng doubts sa pagsasama naming dalawa. Takot kasi ako at ayaw kong matali sa isang obligasyon bilang asawa dahil hindi ko pa lubos na kilala ang Panginoon.
Madalas kaming mag-away mag-asawa, at malimit na dahilan ay ang pakikipag-barkada ko. Dala na rin siguro ng hindi ko pagtanggap sa obligasyon na may asawa na ako, at marahil dahil na rin sa aking kabataan. Madalas, inaabot ako ng gabi sa pag-uwi dahil sa pag-iinom kasama ang barkada.
Ngayon ko nakikita na nangyayari ang mga iyon dahil wala akong tunay na relasyon sa Panginoon. Napakatigas ng ulo ko, ma-pride, at worst, kapag nag-aaway kami, nagwawala ako at nagbabato o nagbabasag ng mga kagamitan.
Pero nang marinig ko ang Gospel tungkol sa Lordship ni Jesus Christ at tinanggap ko Siya bilang aking Panginoon at Tagapagligtas, unti-unti nang nagbago ang aking mga ugali.
Hindi agad-agad at hindi lahat nabago, pero napakalaki ng naging improvement sa buhay ko.
Noong napag-aralan ko ang Book 1, Aralin 2 ng ating Discipleship Journey Kit (DJK), nakita ko ang aking sarili. Isa pala akong Carnal Christian. Kasi pagkatapos naming magsimba, kung minsan, nauulit ko pa rin ang ilan sa mga dati kong gawain. At nakita ko ang dahilan: hindi pa pala lubos ang pagsuko ko sa Panginoon pagdating sa mga bagay na iyon.
Pero ang buti ng Panginoon!
Dahil may mga ginamit Siyang tao sa buhay ko, tulad ng mga Pastor, Connect Group Leaders, at mga kapwa mananampalataya. Sa pamamagitan nila, tumibay ako, natuto, at nagkaroon ng tunay na relasyon sa Kanya.
Masasabi ko na naging personal ang relasyon ko sa Panginoon. Tinuring ko Siya bilang aking Diyos at Ama, at alam kong ako ay anak Niya.
Natutunan kong sumuko at aminin sa Kanya, "Lord, hindi ko po ito kaya, at alam kong Ikaw lang ang makakatulong sa akin."
At hanggang ngayon, I will always surrender everything to God dahil alam kong kailangan kong patuloy na umasa sa Kanya upang hindi na ako bumalik sa dati kong mga gawain.
Ang pagtayo ko sa harapan ninyo ngayon ay biyaya ng Diyos. Patunay ito na tunay Niya akong binago dahil sa pananampalataya ko kay Jesus Christ.
Purihin ang Panginoon dahil sa Kanyang kabutihan, hindi lamang ako ang binago Niya kundi pati ang asawa ko. Ngayon, sama-sama naming pinalalaki ang aming mga anak na may takot sa Diyos.
Minsan nga, lagi kong naririnig sa asawa ko na sinasabi niya, "Siguro kung hindi ka napalapit sa Diyos, iba na naman ang kasama mo."
Totoo po iyon! Pero ngayon, sa dami ng pinagdaanan namin sa buhay, masaya kaming mag-asawa bilang mga mananampalataya.
At isa pa sa mga kahanga-hangang ginawa ng Panginoon sa amin ay niloob Niyang ikasal kami, at Siya mismo ang naging saksi sa aming kasal.